MAYNILA — Patuoy ang imbestigasyon at backtracking ng Northern Police District kaugnay ng pagpapaulan ng bala at paghagis ng granada nitong Sabado ng madaling araw sa opisina ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa Caloocan.
Ayon kay NPD District Diector PBGen Ponce Rogelio Peñones, natapos ngayong Lunes ang ikalawa nilang case conference kaugnay ng insidente.
“Mayroon na tayong mga persons of interest and lahat ng na-gather natin na pieces of evidence, mga testimonies, witnesses, yung mga nakuha nating CCTVs sa backtracking natin papunta sa kanila, napo-point sila, na sila yung talagang perpetrator doon sa nangyari sa harap ng DDEU... We’re looking at 5 persons of interest, natutumbok na natin,” ani Peñones.
Miyembro umano ng sindikato na kaugnay ng bentahan ng iligal na droga ang 5 person of interest. Malinaw umano na paghihiganti, harassment at pananakot ang motibo ng mga ito.
Hindi naman umano naapektuhan ang operasyon kontra iligal na droga ng NPD noong araw ng insidente.
Simula Enero, nasa 68 High Value Individual na ang naaresto ng NPD, kabilang ang 18 malalaking supplier ng iligal na droga, ayon kay Penones.
Dagdag niya, oras na masampahan na ng kaso ang mga persons of interest ay papangalanan nila ito.
Nilinaw naman ni Penones na hindi kagaya ng mga police stations ang opisina ng DDEU, na dahilan umano ng kawalan ng pulis sa labas nito at police mobile.
“Ito ay di katulad ng police station na sa pag-aakala nila substation yung set up, hindi. Ito ay opisina lang, tulugan nung ating mga operatiba at sa likod nun, meron detention facility. Kung makikita mo hindi ito katulad ng police station na may mesa... Kaya 'pag gabi nakasara ito kasi ito tulugan ito," ani Peñones.
Samantala, bilang standard operating procedure, pina-relieve na sa puwesto ang hepe at deputy ng DDEU at commander ng Sub Station 4 na nakakasakop sa lugar para bigyang-daan ang imbestigasyon sa posibleng administrative lapses ng mga ito. Pagpapakita rin aniya ito ng transparency sa isinasagawang imbestigasyon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.