PatrolPH

Pulis patay matapos barilin ng empleyado ng Customs

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at May 22 2022 12:22 AM | Updated as of May 22 2022 11:17 AM

Patay ang isang miyembro ng District Headquarters Support Unit ng Quezon City Police District matapos barilin ng isang tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Gate 3 South Harbor Brgy. 651 Port Area, Manila nitong Biyernes.

Nadala pa sa Gat.Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si P/EMS Celedonio Cauceran Jr , residente ng Brgy. Holy Spirit , Quezon Cit,y subalit idineklara na siyang dead on arrival.

Kusa namang sumuko sa Manila Police District -Station 13 ang suspek na intel officer ng BOC.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dakong 9:40 ng gabi nitong Biyernes, nang maganap ang engkuwentro sa loob ng Customs Intelligence and Investigation Services Office ng BOC.

Sabi ng kasamahan ng suspek, nagtanong lamang sila kay Cauceran.

Ilang sandali pa ay nagpaalam ang biktima na pupunta sa palikuran, pero pagbalik nito ay biglang na lamang bumunot ng baril.

Agad umanong umaksyon ang suspek kaya naunahan ang biktima. Nakuha sa pinangyarihan ang 2 caliber .45; isang 9mm caliber pistol, magazine, at apat na bala.

Sa isang pahayag, sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na magsasagawa ito ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente.

"The QCPD will thoroughly look into the circumstances of what really transpired inside the office of CISS-BOC that resulted into this tragic incident," sabi nito.

Dagdag pa ng QCPD, sinabi raw ng BOC na sangkot umano si Cauceran sa mga insidente ng panghahagis ng granada at pamamaril ng mga empleyado ng nasabing kagawaran.

Sinabi naman ng hepe ng QCPD na si P/BGen. Remus Medina na kung totoo man ang mga paratang laban kay Cauceran, hindi raw niya ito kukunsintihin. 

"Hindi ko kinukunsinti ang kanyang gawain at maging ang iba pang kapulisan ng QCPD na maaring gumagawa rin ng kahalintulad na bagay ay kailanman hindi ko kukunsintihin. May batas at proseso tayo para patunayan ang katotohanan ng isang pag-aakusa at ito ang ating laging sinusunod at ipinatutupad," ani Medina.

MULA SA ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.