PatrolPH

'Modified community pantry' inilunsad sa Caloocan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at May 22 2021 08:43 AM

'Modified community pantry' inilunsad sa Caloocan 1
Mahaba ang pila sa isinagawang modified community pantry ng Sandmeier United Methodist Church sa Caloocan City. Jekki Pascual

MAYNILA - Daan-daan ang pumila sa isang community pantry na isinagawa ng Sandmeier United Methodist Church sa Caloocan Sabado. 

Ayon kay Pastor Menre Mendillo, naisipan nilang magbigay tulong sa mga tao kahit mula sa ibang relihiyon dahil sa pandemya. 

Tinawag nila itong "Agapay sa Hapag Kainan modified community pantry"— modified, dahil marami umanong makukuha ang bawat isa.

"Dahil gusto namin makatulong sa mga kapatiran natin sa buong komunidad ng Caloocan. Alam natin pandemya ngayon, kailangan nila ng tulong, kailangan nila ng pagkain. Ngayon hindi kami magbibigay ng konti-konti, tuwing kami ay magkakaroon ng pantry, ang gusto naman ay 'yun talagang sila ay masisiyahan. Kapag umalis sila, naka-ngiti, masaya," ayon kay Mendillo. 

 

Mayroong bigas, grocery items, ube pandesal, kape, itlog, gulay at may cold cuts pa sa modified community pantry, kaya naman marami talaga ang pumila. Inaasahan na aabot sa 500 ang mabibigyan ng ayuda sa buong araw.

Ayon kay Mendillo, marami talaga ang gutom ngayon at naghahanap ng ayuda at mga pantry. 

Naunang umusbong ang community pantry sa Quezon City noong Abril at kumalat sa buong bansa. Ito'y sa gitna ng hirap na dinaranas ng maraming Pilipino na nawalan ng hanapbuhay o trabaho dahil sa pandemya.

"'Yun ang katunayan, maraming tao ang gutom, maraming tao naghahanap ng ayuda." 

Inaasahan na magsasagawa pa sila ng iba pang mga programa sa mga susunod na linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.