Radio station na namahagi ng ayuda balak kasuhan dahil sa 'kawalan ng koordinasyon'

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 07:00 PM


GUIMBA, Nueva Ecija — Desidido ang lokal na pamahalaan ng Guimba na kasuhan ang mga opisyal ng radio station dito dahil umano sa paglabag nila sa Bayanihan to Heal as One Act nang magsagawa sila ng relief operation na walang koordinasyon. 

Sa mga retratong naka-upload sa Facebook page ng Radyo Natin Guimba (RNG), makikita ang mga ginawa nitong relief operation sa gitna ng quarantine bilang tugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Kinukuwestiyon ito ng lokal na pamahalaan ng Guimba dahil wala umano itong permiso at siniraan pa raw nito ang LGU nang ibalita nila ang mga reklamo ng residente ukol sa distribusyon ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program (SAP). 

Sa isang resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Bayan, binigyan nila ng kapangyarihan si Guimba Mayor Jose Dizon na sampahan ng reklamo ang RNG. 

Retrato mula sa Radyo Natin Guimba

"Ayaw ko na kuwestiyonin 'yung how effective 'yung relief nila, yung mahalaga dun 'yung pagsunod nila sa safety and health protocols, hindi basta-basta 'yun, dapat may mga quarantine pass at coordinated lahat ng bagay," paliwanag ni Oliver Domingo, secretary to the mayor ng Guimba LGU. 
 
Ayon naman sa station manager ng Radyo Natin Guimba, kusang lumalapit sa kanila ang mga nagrereklamong residente. 

"Ito kasing sa SAP, distribution ng SAP sobrang bagal dito sa bayan ng Guimba, pinakahuli sa Nueva Ecija," ani Gie Herrera, station manager ng inirereklamong istasyon. 
 
Naglabas din ng pahayag ang Radyo Natin Guimba na ang ginawang pagpasa ng nasabing ordinansa ay isang hakbang sa pagkitil sa malayang pamamahayag.

 


Hindi pa naisampa ang kaso laban sa radio station pero nakahanda raw sila na harapin ano man ang ibato laban sa kanila.

Giit nila, ginagampanan lang daw nila ang tungkulin nila bilang mga mamamahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.