MAYNILA — Nagbabala ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa dumaraming kaso ng mga online scam sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kuwento ni alyas "Bryan," dalawang linggo bago ang March 15 lockdown ay naghahanap siya ng mabibilhan ng surgical mask para sana ipang-donate.
Pahirapan noong panahong iyon na makakuha ng suplay pero tiyempong nakita niya ang isang nagbebenta sa Facebook.
"Sabi ko naman, mag-down kami ng P1 million, ibigay mo na sa amin ang 10,000 boxes, pumayag naman po siya," ani Bryan.
Nagdeposito siya ng P1 milyon sa bank account ng seller pero buhat noon ay puro alibi na ito. Walang mask na na-deliver.
Dito na nagalit si Bryan at tinakot ang seller na isusuplong sa awtoridad.
Isinauli lang ang halos kalahating milyong piso pero hindi na makontak ang seller hanggang ngayon.
Mayo 13 naman nang umorder si alyas "Bella" ng surgical mask sa isang seller na nag-post sa isang Facebook group nila sa Angono, Rizal.
Dahil may mga proof of transaction at good reviews sa post ng seller, naengganyo siyang bumili ng 20 box ng mask na P9,700 ang halaga.
"Pagkahulog namin ng pera sa G-Cash hindi na po siya nag-reply sa amin... Hindi ko po akalaing sa ganitong krisis, mayroon pa talagang magsasamantalang mga tao," ani Bella.
Ayon sa PNP-ACG, walang hinto ang dating sa kanila ng reklamo ng mga naloloko ng mga pekeng online seller na lagpas na ng 400 kaso.
"Ang lahat ng transaction natin ay virtual o online na lahat na siyempre, nagtatago ang mga criminal behind, gumagamit sila ng identity na hindi naman totoo. At gumagamit sila ng mga identification card, kaya kailangan mapagmatyag talaga tayo sa lahat ng kausap natin online," ani Police Lt. Col. Mary Ivy Salazar, hepe ng PNP-ACG cyber-financial crime unit.
Para hindi mabiktima nito ayon sa PNP-ACG, huwag basta-basta magbigay ng personal na detalye kaninuman at maging mabusisi at maingat sa pakikipagtransaksiyon online.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, scam, PNP, hilippine National Police-Anti-Cybercrime Group, pandemic ,TV PATROL, TV PATROL TOP