'PPE para sa mga parlorista, bawal chikahan': Salons naglatag ng plano sakaling buksan sa 'new normal'

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 06:01 PM | Updated as of May 25 2020 06:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Bawal ang chikahan, dapat magsuot ng personal protective equipment ang mga parlorista at kinakailangan ang maya't mayang pag-sanitize ng mga kagamitan sa paggupit. 

Ilan lamang iyan sa mga isinusulong ng grupo ng mga salon, kasabay ng apela nilang payagan muling magbukas sa ilalim ng general community quarantine. 

Sa protocol na isinumite ng grupong Hair Asia sa Department of Health, lilimitahan ang kapasidad ng mga salon sakaling payagang magbalik-operasyon sa sinasabing "new normal." 

Hanggang 10 tao lang ang papayagan sa loob ng isang salon kada serbisyo at dapat may suot na PPE ang mga naggugupit. Isinusulong din ng Hair Asia ang contact tracing background ng kliyente. 

Si Ricky Reyes, pinuno ng PhilHair, inirekomenda na ma-sterilize ang mga gunting at iba pang kagamitan sa harap mismo ng kliyente. 

Mungkahi pa niya, puwedeng makipag-usap sa kustomer pero wala nang chikahan para hindi kumalat ang virus. 

“May meeting na kami ng IATF (Inter-Agency Task Force on Mergeing Infectious Diseases), Magtu-tour kami ng mga salon. I hope they listen. Emosyonal issue sa amin kasi marginalized sector din kami, daming mahihirap,” ani Reyes 

Sa ilalim ng modified enhanced, at general community quarantine, ipinagbabawal ang pagbubukas ng mga salon, barber shop at iba pang personal services businesses. 

Noon nang iginiit ng Hair Asia na nasa 400,000 manggagawa sa hair and beauty industry ang umaaray ang kita dahil sa lockdown. 

Noon na ring sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, dahil sa dami ng apela, ang resumption ng hair business ang isa sa pinakamasalimuot na topic sa diskusyon ng quarantine guidelines ng IATF. 

Apela ng Hair Asia Philippines, huwag nang ipagpaliban ang pagbubukas ng mga salon. 

"Ang paggupit at ayos ng buhok, essential industry. Hindi siya luxury, lockdown ka na nga depressed ka pa, kahit magpaganda o magpa guapo sarili so we can feel good! Ang dami pang nakapende dyan almost 400,000 members namin,” ani Evelyn Alvaran-Cruz, pinuno ng Hair Asia Philippines.

Samantala, nagbabala naman ang mga hair association sa home service ng mga haircutter at do-it-yourself na paggupit, pagtina at iba pang hair maintenance. Mayroon umano ritong panganib ng aksidente at COVID-19 infection.

Pinagkaligtas pa rin daw na puntahan ang mga salon na may safety protocols. -- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.