OFWs sari-saring kalbaryo ang dinaranas sa quarantine facilities

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 05:47 PM | Updated as of May 22 2020 09:45 PM

MAYNILA — Lalo pang dumarami ang mga umaangal na overseas Filipino workers (OFW) na nasa iba't ibang quarantine facilities ngayon habang hinihintay na masuri para sa COVID-19. 

Isa si Ricardo Paguia sa daan-daang seafarers na dumating sa bansa noong Abril 23. Walang sumalubong na pamilya sa kaniya sa airport.
    
Sa halip, agad siyang isinailalim sa rapid COVID-19 test at diniretso sa isang hotel sa Quezon City na ginagamit ngayon bilang quarantine facility.

Mayo 6, sumailalim si Paguia at higit 100 pang seafarers sa swab test. Matapos ang higit 14 araw, wala pa rin ang kanilang mga resulta.

"Iba dito hindi na makatulog kasi 'yung result nga. Mga pamilya namin apektado rin. Araw-araw tumatawag," ani Paguia. 

Hindi nila inakalang isang buwan muli ang kanilang bubunuin sa quarantine dito sa Pilipinas.

PAMAHALAAN NAG-SORRY

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihingi ng pasensya ang pamahalaan sa mga stranded na OFWs sa mga quarantine facility at sinigurong inaayos na ang lahat para sila ay makauwi na sa kani-kanilang pamilya.

"Ako po ay nakikiusap at kaunting pasensya sa ating OFWs, ginagawa na po natin ng transportation arrangement at ang OWWA ay nagkakaroon na po ng sweeper flights with the airlines. At ang MARINA po ay nakikipag-usap sa ating local manning agencies and different shipping agencies para magkaroon po tayo ng maayos na pagbabalik ng OFW sa kanilang mga lugar," ani National Action Plan Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez, Jr. 

Sagot naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang lahat ng gastos ng mga naka-quarantine na OFWs, katunayan ay P500 milyon na daw ang nailabas na pera ng pamahalaan para sa kanila.

Tinitingnan na rin ng pamahalaan ang posibilidad na bigyan ng ayuda at tulungang magkaroon ng kabuhayan ang mga stranded na OFWs.

BAKIT MAY DELAY

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, aminado naman ang ilang opisyal na kulang sila sa tauhan kaya nagkakaroon minsan ng delay, partikular na sa pagkakamali sa encoding ng mga pangalan sa listahan ng mga resulta sa COVID-19 test. 

"Hindi natin maiwasan yang mga ganiyan mga clerical error eh. Kino-correct naman natin ito kaya tine-trace natin ang mga record nila," ani Capt. Louie Sibayan.

MENTAL HEALTH

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon naman sa psychiatrist mula sa National Center for Mental Health na si Dr. Agnes Joy Casiño, dumadaan sa "extreme stressful event" ang karamihan ng mga OFW. 

"Most of them by experience 1 month na silang andon tapos pag-uwi sa Pilipinas again meron silang another 2 weeks na quarantine... Most of them nakakaranas sila ng very extreme stressful event," anang doktora. 

Isa sa mga payo ni Casiño ang patuloy na pakikipag-usap sa mga kamag-anak kahit sa video chat

Ayon naman sa Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, hindi kinakailangang nakatengga lang kakaisip ng problema sa barko ang mga OFW.

Dapat daw ay gumawa ang pamahalaan ng paraan para maging productive ang quarantine ng OFWs.

Maaari daw bumuo ang gobyerno ng online learning classes na maaaring pagkaabalahan ng OFW. 

Puwede rin daw kumita kahit naka-quarantine, sabi ni Toots Ople ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute. 

"Maraming mga OFWs pag nagbukas ng sarili nilang video blog they can already earn," ani Ople. 

Samantala, ayon sa Philippine Coast Guard, marami pang parating na barko pero hindi naman daw ibig sabihin nito na lalong matatagalan sa paghihintay ang mga naunang OFW.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, Bianca Dava, at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.