Mga ruta, bilang ng mga bus sa EDSA planong bawasan sa 'new normal': traffic czar

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 12:52 PM

MAYNILA - Pinaplantsa na ng gobyerno ang gagawing paghahanda para sa mga bus na papasada sa EDSA sakaling ilagay ang Metro Manila sa "new normal", ayon sa kawani ng Metropolitan Manila Development Authority. 

Ayon kay EDSA traffic czar Bong Nebrija, magkakaroon ng "rationalized bus routes" kung saan gagawin na lang iisa ang dose-dosenang ruta ng mga bus sa EDSA. 

“So ang advantage naman nito, makikita mo kapag nasa inner lane ka is dadaan ka sa underpass, dadaan ka sa flyover so mas mabilis ang public commute ngayon,” ani Nebrija sa panayam sa Teleradyo ng ABS-CBN. 

Babawasan at gagawin na lang ding 600 ang pumapasadang bus, mas kaunti sa 2,500 na karaniwang bumibiyahe sa EDSA araw-araw. 

Nag-inspeksyon na rin ang MMDA, sa tulong ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa paglilipat ng bus lanes. 

Ililipat na kasi anila ito sa "inner-most lanes" ng EDSA kung saan gagamitin ang MRT stations para sa pagsakay at pagbaba ng mga pasahero. 

Nakikipag-ugnayan naman sila sa DPWH kung kaya nilang maihabol ang mga bagong imprastraktura na ilalatag sa "new normal."

Sa ngayon, hinihintay pa nila na aprubahan ng IATF ang plano. 

Suspendido sa ngayon ang pampublikong transportasyon, kabilang ang pamamasada ng mga bus sa Metro Manila, ngayong nasa modified enhanced community quarantine ang buong rehiyon hanggang Mayo 31. 

Nagsabi ang gobyerno na naglalatag na sila ng mga plano sakaling ilagay sa general community quarantine ang Metro Manila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.