PatrolPH

Higit 35,000 kilo ng bangus apektado ng fish kill sa 2 bayan sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 02:17 PM

Watch more News on iWantTFC

Tinatayang nasa mahigit 35,000 kilo ng bangus ang apektado ng fish kill sa 2 bayan sa Pangasinan nitong linggo, na itinuturo sa biglaang pagbabago ng panahon, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources - Region 1. 

Sa kanilang taya, nasa 35,000 hanggang 38,000 kilo ng bangus ang lumutang simula Martes, Mayo 19, at inaalam pa sa ngayon kung magkano ang nalugi sa industriya. 

Apektado rito ang mga fish cage sa Barangay Awag at Mal-Ong sa Anda, at Barangay Luna, Culang, at Catubig sa bayan ng Bolinao.

Ayon sa BFAR, kabilang sa mga rason ng paglutang ng mga bangus ang biglaang pagbabago ng panahon, sobrang pakain at bilang ng bangus sa isang unit, at kung kontaminado ng kemikal ang tubig na dumadaloy rito

Duda naman ang lokal na pamahalaan sa usaping may nahalong kemikal dahil sa mga gumagawa ng asin sa bayan. Sinusuri pa nila sa ngayon ang pangunahing dahilan para rito. 

Agad na ipinabaon ng LGU sa landfill ang mga namatay na bangus. 

Nakuhanan din ito ng retrato ng isang Bayan Patroller, kung saan makikitang halos napuno ang tatlong malalaking bangka ng mga bangus na hinango umano sa bahagi ng Caquiputan Channel sa Western Pangasinan. 

Galing sa Western Pangasinan ang malaking volume ng bangus na isinusuplay sa Metro Manila. 

-- Ulat ni Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.