Bodega ng pekeng gamot sa COVID-19 nilusob sa Bacoor, 2 Chinese timbog

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 04:47 PM | Updated as of May 22 2020 06:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BACOOR CITY, Cavite — Nilusob ng mga pulis nitong Biyernes ng umaga ang isang warehouse sa Barangay Niog 2 dito sa siyudad kung saan iniimbak ang mga ilegal at pekeng Chinese medicine na panggamot umano sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Libo-libong kahon ng OTC Lianhua Qingwen Jiaonang ang tumambad sa mga awtoridad sa loob ng isang banyo sa naturang warehouse at mas marami pang kahon nito ang natagpuan sa ikalawang palapag. 

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, hindi rehistrado ang mga gamot sa Food and Drug Administration (FDA).

Wala pa rin umanong pag-aaral na epektibo nga ang gamot laban sa COVID-19, na sa ngayon ay wala pa ring lunas.

Sabi ni Cabatingan, nakakuha sila ng tip mula sa isang Pinay na nakabili umano ng mga nasabing ilegal na gamot. 

Tatlong linggong nagsagawa ng surveillance ang pulisya bago nila ni-raid ang warehouse sa bisa ng isang search warrant. 

Timbog ang dalawang Chinese national na caretaker daw ng bodega na kinilalang sina Lingjie Zhao at Zhixing Chen.

Depensa naman ni Zhao, hindi nila ibinebenta ang gamot at ipinamimigay lang daw nila nang libre. 

Sa kabuuan, aabot sa 10,800 kahon ng OTC Lianhua Qingwen Jiaonang ang nakumpiska sa warehouse, o katumbas ng 259,200 kapsula.

Nakarehisto ang warehouse bilang "dish washing liquid trading company," sabi ng pulisya. 

Nahaharap ang 2 suspek sa paglabag sa Food and drug Administration Act at Bayanihan To Heal as One Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.