Biktima ng Zamboanga siege nagsundalo; nag-top 3 sa PMA

Leizel Lacastesantos, ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 07:42 PM

Courtesy of PMA Facebook Page

ZAMBOANGA CITY – Puno ng saya ang mag-asawang Jose at Marites Salazar matapos mabalitaan na nakapasok ang kanilang anak sa top 10 ng PMA Masidlawin Class of 2020.

Top 3 ang kanilang anak si Cadet 1st Class Jefferson Salazar, residente ng Barangay Sta. Catalina nitong siyudad.

Pang-apat si Jefferson sa 7 anak ng mag-asawang Salazar. Tricycle driver si Jose habang naglalako naman ng meryenda si Marites.

Inasahan na ng kaniyang ina na makakapasok sa top 10 si Jefferson.
 
"Alam namin na papasok talaga siya sa top 10 kasi alam namin ang capacity ng utak niya,” ani Marites.

Leizel Lacastesantos, ABS-CBN News

Nakapagtapos si Jefferson sa kursong BS Physics sa Western Mindanao State University bago pumasok sa PMA.
 
May scholarship grant ng DOST si Jefferson kaya nakapagkolehiyo ito.

"Sobra talaga ang saya namin kahit nasa pandemic tayo ngayon,” dagdag ni Marites.

Bagamat natatakot sila sa napiling propesyon ng kanilang anak, buo naman ang suporta ng mag-asawa rito.

"Sana humble pa rin siya at ‘yong ugali niya ay hindi magbago," ani Jose.

Ang pamilya Salazar ay isa sa mga biktima ng Zamboanga siege noong 2013. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naisip ni Jefferson na pumasok sa PMA.

Manonood na lang ang mag-asawa ng virtual graduation ng kanilang anak matapos hindi makapagbiyahe dahil sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.