PatrolPH

500 tricycle drivers sa QC na tigil-pasada sa lockdown gagawing food delivery rider

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 03:30 PM

Sa tulong ng partnership ng Quezon City local government at ng isang online food delivery service provider, mabibigyang-oportunidad na makapaghanapbuhay ang 500 tricycle driver na nawalan ng kita ngayong lockdown. 

Sa proyektong "PandaTODA" ng Quezon City local government at ng FoodPanda, pansamantalang magtatrabaho bilang food delivery rider ang mga tsuper na nawalan ng trabaho gawa ng lockdown. 

Isinailalim sa modified enhanced community quarantine ang Quezon City, kung saan pinagbabawal muna ang pampublikong transportasyon, kabilang ang pamamasada ng mga tricycle. 

Sa ilalim ng naturang proyekto, dadaan sa screening na isasagawa ng Task Force for Transport and Traffic Management at Tricycle Regulation Division ang tricycle drivers.

Ang mga mapipili naman ay sasailalim sa isang training at bibigyan din sila ng libreng uniforms at thermo-bags.

Ang QC local government naman ay tutulungan silang makakuha ng work permits at passes para makabiyahe sila.

Giit ng QC local government, bukod sa matutulungan na maging stable ang kita ng mga tricycle driver, mahihikayat din anila ang mga residente na hindi na lumabas pa at hintayin na lang sa bahay ang kanilang inorder na pagkain.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.