4 taga-Pangasinan patay sa rabies noong quarantine period

Cris Zuñiga, ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 03:49 PM

MAYNILA — Naalarma ang lalawigan ng Pangasinan sa nangyaring pagkamatay ng 4 na residente ng probinsiya dahil sa rabies noong quarantine period.

Ayon sa provincial health office, nakapagtala sila ng 4 na pagkamatay sa rabies noong panahong nasa ilalim ang Luzon sa enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Nakakagat sila ng aso pero taga-barangay sila so mahihirapan po silang bumiyahe at walang tricycle. Mahirap din kumuha ng quarantine pass, so nalungkot naman tayo na may nasawi tayong kababayan na sunod-sunod during the time na tayo po ay nag-quarantine," ani Dr. Anna de Guzman, provincial health officer ng Pangasinan.

Sa tala ng opisina, narito ang mga detalye ng biktima:

  • 11 anyos na lalaki mula sa Mangaldan
  • 76 anyos na lalaki mula sa Alaminos City
  • 49 anyos na lalaki mula Rosales
  • 55 anyos na lalaki mula Binmaley

Ang datos ay naitala mula Marso 30 hanggang Mayo 8, 2020.

TIPS KONTRA RABIES

Para sa veterinarian at K9 dog breeder na si Dr. Abel Manalo, matagal nang problema ng bansa ang rabies dahil na rin sa kawalan ng disiplina.

Ang rabies ay virus na naipapasa sa tao ng asong infected sa pamamagitan ng kagat o laway. Walang gamot kapag nagpositibo na sa rabies kaya ito nakamamatay.

Pero puwede itong maagapan, ayon kay Manalo.

"Puwedeng mamatay ang rabies sa sabon at tubig pero magpa-vaccine pa rin sa ospital," ani Manalo.

Dagdag pa ni Manalo, taon-taon dapat ang pagbabakuna sa mga aso para protektado ang mga alaga mula sa virus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.