4 bata sa Cebu nagsosolo matapos mamatayan ng ina, ma-quarantine ang ama

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 07:29 PM | Updated as of May 22 2020 09:07 PM

Naawa rin ang mga kapitbahay sa sinapit ng magkakapatid. Hinahatiran sila ng pagkain dahil walang mga magulang na nag-aalaga sa kanila. Screengrab 

MINGLANILLA, Cebu — Walang mga magulang na nag-aaruga sa apat na bata sa bayan na ito sa gitna ng pandemya matapos mamatay ang kanilang ina at ma-quarantine naman ang ama.

Ang 14 anyos na si Marjun ang panganay sa 4 na magkakapatid na Berceres. Kasunod niya si Cathleen, 9, Johnvic, 5, at Jesna, 1. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ngayon, sila muna ang lumalaban sa kanilang pamilya at nagtutulungan sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Panaghiusa II sa Barangay Tunghaan.

Mayo 9, namatay sa ospital ang kanilang ina sa sakit na hypokalemia o ang pagbaba ng lebel ng potassium sa dugo.

Hindi na nila nakita ang kanilang ina dahil agad itong inilibing sa isang sementeryo sa Cebu City.
    
Ang kanilang ama, hindi pa makauwi sa kanilang bahay. Kailangan siyang isailalim sa quarantine at COVID-19 test matapos manggaling sa ospital para magbantay sa kaniyang yumaong misis.

Ang panganay na si Marjun ang pansamantalang nagsisilbing magulang sa kaniyang mga kapatid.
    
Siya ang nagluluto, tagatimpla ng gatas ni Jesna at tagalinis ng kanilang bahay.

Taga-Ozamis City ang pamilya at wala silang mga kamag-anak sa Cebu.

Naawa rin ang mga kapitbahay sa sinapit ng magkakapatid. Hinahatiran sila ng pagkain dahil walang mga magulang na nag-aalaga sa kanila.

"Wala na kasi silang ina. Pag naoospital ang kanilang ina kami palagi ang nag-aalaga sa kanila. Ang kanilang ama ay ang nagbabantay sa kanilang ina sa hospital," ani Jelma Gumba, kapitbahay ng magkakapatid. 

Mataas ang pangarap ng mga bata. Si Marjun gustong mag sundalo, habang maging guro naman ang gusto ni Cathleen.

Ang local government unit sa Minglanilla ang umasikaso para sa isolation ng ama ng mga bata. 

Paniguro nila, magbibigay din umano sila ng ayuda sa mga bata. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.