Suspek sa pagpatay, paggahasa sa Lipa City arestado

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 04:23 PM | Updated as of May 23 2019 06:11 PM

Hawak na ng mga pulisya ang suspek sa pagpatay at panggagahasa sa 21 anyos na dalagita sa Lipa City, Batangas noong nakaraang linggo.

Natukoy na suspek sa krimen si Jorge Benedicto, ang security guard sa subdivision na tinitirahan ng dalaga.
    
Nakuhanan ng CCTV ang pag-alis ni Benedicto sa guard house pasado alas-11 ng gabi noong Mayo 15, Miyerkoles.
    
Sunod siyang nakuhanan na lumalabas ng kalye ng bahay kung saan nakatira ang biktima bandang ala-1 ng madaling araw noong Huwebes.

Pagsapit ng Biyernes, Mayo 17, natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng babaeng biktima. 
    
Ayon din sa pulisya, prime suspect si Benedicto nang maging kahina-hinala ang pagkawala nito isang araw pagkatapos ng pagkamatay ng dalaga.

"In the law of evidence, flight is the evidence of guilt. So among the persons of interest who were invited by the police for questioning, only Jorge Benedicto was not present," sabi ni Police Col. Edwin Quilates, direktor ng Batangas police. 

Umalis si Benedicto sa tinutuluyang bahay sa Lipa City at napag-alamang tumungo sa Oriental Mindoro.

Agad siyang sinundan ng mga pulis doon at saka nahuli noong Martes sa bayan ng Victoria.

Lumabas na rin sa report ng crime lab na tumugma ang DNA ni Benedicto sa mga nakuhang ebidensiya sa crime scene.

Batay sa post-mortem examination, iniumpog ang ulo, sinaksak sa leeg at ginahasa pa ang biktima.

Katuwiran naman ng suspek, wala siya sa tamang pag-iisip nang mangyari ang krimen at nakainom daw siya. 

Lumalabas din sa imbestigasyon na hindi lisensiyadong security guard si Benedicto.

Sinampahan na ng kasong rape at homicide si Benedicto, na mananatiling nakapiit sa Lipa City Custodial Facility.
    

—Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.