Pampasaherong jeep nahulog sa bangin sa Albay; 10 patay

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 02:45 AM | Updated as of May 22 2019 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LIBON, Albay - Sampu ang kumpirmadong patay nang mahulog ang isang pampasaherong jeep sa bangin sa Barangay San Jose sa bayan na ito Martes ng hapon.

Ayon kay Police Major Ryan Atanacio, hepe ng Libon Police, mula Barangay Pantao papuntang bayan ang jeep nang mawalan ng preno sa Barangay San Jose.

Tinatayang may lalim na 129 talampakan ang kinahulugan ng jeep.

May 30 pasahero ang jeep at 10 na ang kumpirmadong patay. Pito naman ang malubhang sugatan.

Ang ibang mga pasahero, nakatalon at maayos naman ang kalagayan. 

Nasa iba't ibang pagamutan sa Albay ang mga sugatan. 

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente

Ayon kay Atanacio, karamihan sa mga namatay ay mga guro na pauwi na sana mula sa Brigada Eskwela. 

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injury ang driver ng jeep, na hawak ngayon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.