Paaralan sa Pampanga 'di magamit sa tindi ng pinsala sa lindol

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 05:21 PM | Updated as of May 22 2019 05:36 PM

Malaking problema ngayon ng mga guro ng isang paaralan sa Floridablanca, Pampanga kung saan magkaklase ang daan-daang estudyante matapos na masalanta ng nagdaang malakas na lindol ang kanilang pasilidad.

Sampu sa 12 silid-aralan sa Nabuclod Elementary School ang hindi na mapapakinabangan dahil sa tindi ng pinsalang inabot nito sa lindol noong Abril 22.

“According to the engineers na nagpunta dito, itong building 1 po na ito is for demolition na po. Hindi na po siya safe, restricted na po siya. Delikado po siya baka maipit po mga bata pagka may aftershocks,” sabi ni Karen Cayetano, Grade 5 teacher ng paaralan.

Nagkabitak-bitak ang mga pader, gumuho ang mga kisame at may mga bitak din sa sahig ang mga silid-aralan.

Problemado rin maging ang high school ngayon dahil ang ginagamit na open building, halos bumigay na rin.

“Daig pa namin ang nasunugan talaga. Wala talaga kaming mapuntuhan at magamit na classrooms talaga,” kuwento ng Grade 4 teacher na si Beverly Allada.

Kumakatok naman ang mga guro para sa mga donasyon tulad ng mga tent at iba pang educational materials.

“Ang option po sa ngayon po nanghihingi nga po kami ng tulong para po magkaroon kami ng temporary tent o kaya temporary classroom po diyan sa view deck o sa covered court, kung hindi po magkakaroon po ng shifting,” dagdag ni Allada.

Nasa 500-600 katutubong estudyante ang inaasahang papasok sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 3.

Minamadali na rin ang konstruksiyon sa dalawang palapag na gusali sa school ground na mula sa lokal na pamahalaan para mayroong malipatan ang mga mag-aaral at mapagdausan ng klase.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.