P8.5-milyon party drugs nasamsam sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 07:46 AM | Updated as of May 22 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Nakumpiska ang nasa P8.5 milyon na halaga ng party drugs mula sa isang hotel room sa Bonifacio Global City, Taguig ngayong Miyerkoles. 

Nilusob ng mga awtoridad ang lugar matapos makita ng housekeeping staff ang bukas na vault na pinaglagyan ng mga droga at pera, ani Metro Manila police chief Major General Guillermo Eleazar. 

Kabilang aniya sa mga nakumpiska ang nasa 4,000 ecstasy pills, 360 gramo ng cocaine, 100 gramo ng high-grade marijuana o kush, ilang bote ng liquid shabu, nasa P720,000 cash, at 48 chekeng nagkakahalaga ng P175 milyon. 

Anim na buwan nang inuupahan ng Pilipinong si Domingo Uy ang hotel room kung saan nakuha ang droga, ayon kay Eleazar. Nagbabayad aniya ng P13,000 kada gabi ang tenant na naaresto rin sa operasyon. 

Lumalabas ding 19 beses lumabas ng bansa kamakailan si Uy papunta sa Europa at US. 

"I believe he's just the tip of the iceberg and we have to see kung ano talagang trabaho o involvement nitong taong ito dahil sa dami ng nakitang droga at iyung potensyal na mayroong mga malaking transaksyong ginagawa s'ya," patungkol ng opisyal sa tenant. 

Ulat nina Lady Vicencio at Fred Cipres, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.