P1-M pabuya inalok para sa ikalulutas ng pagpatay sa Italyano sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 02:23 AM

Magbibigay ng P1 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon ukol sa pagkakakilanlan ng mga salarin sa pagpatay sa isang Italian national sa Negros Oriental.

Ayon kay Cyril Guaerniero, misis ng biktimang si Andrea Guarniero, siya mismo ang magbibigay ng pabuya sa kung sino man ang makakatulong para mabigyang hustisya ang kamatayan ng kaniyang mister.

Binaril si Andrea noong Marso 28, 2019 sa opisina ng beach house nito sa Poblacion 1, Dauin, Negros Oriental.

Nagtatag na ang Negros Oriental Police Provincial Office ng Special Investigation Task Group para mas mapabilis ang imbestigasyon sa kaso at para matukoy ang totong motibo sa pagpatay sa biktima.

Dalawang lalaki ang lumapit sa opisina ng biktima matapos ang pamamaril pero hindi ito natukoy dahil sa madilim ang lugar sa panahong nangyari ang insidente, ayon sa isang testigo.

Bukas ang linya ng Dauin Police (0915-936-1794) sa kung sinumang makapagbibigay ng impormasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.