Munisipyo sa Misamis Oriental nasunog, fire truck di nakaresponde

Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 12:26 PM | Updated as of May 22 2019 05:58 PM

SUGBONGCOGON, Misamis Oriental - Nasunog ang municipal hall ng bayan na ito, Martes ng gabi. 

Nagsimula ang apoy sa stock room sa ground floor, kung saan nakatago ang mga pintura at mga kable, batay sa inisyal na imbestigasyon. 

"Mabilis lumaki ang apoy dahil gawa sa combustible materials ang ikalawang palapag ng building," ani SFO2 Antonino Salugsugan. 

Sira aniya ang clutch system ng fire truck ng bayan kaya nagpasaklolo pa ang mga awtoridad mula sa mga bomebero sa mga katabing bayan ng Balingoan, Salay, Lagonglong, Balingasag at Medina. 

Naapula ang sunog matapos ang halos 2 oras.

Nag-iwan ng nasa P4 milyon na halaga ng pinsala ang insidente. 

Mananatiling nakakordon at sarado ang gusaling itinayo noong 1973 habang hindi pa tapos ang imbestigasyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.