Mga ka-barangay ni Bato sa Davao del Sur, ipinagmamalaki ang bagong senador

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 06:48 PM

Hindi akalain ng mga kapitbahay, kabarkada at kababata mula sa bayan ng Santa Cruz na isa nang senador si Ronald Dela Rosa. Mark Demayo, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Ipinagmamalaki ng mga residente ng Barangay Bato sa bayan ng Santa Cruz, Davao del Sur ang pagkapanalo bilang senador ng dating hepe ng Philippine National Police at Bureau of Corrections na si Ronald "Bato" Dela Rosa.

Hindi akalain ng mga kapitbahay, kabarkada at kababata ni Dela Rosa na isa na siyang senador.

Kilala sa tawag na "Bebot" si Dela Rosa sa kaniyang barangay sa Bato, pero naging "Bato" ang tawag sa kaniya nang maging pulis siya.

Ayon sa kababata ni Dela Rosa na si Pastor William Lopez, matigas lamang tingnan si Dela Rosa pero hindi maitatago ang kabutihan nito.

"Grabe ang saya ko, una nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sinagot niya ang panalangin ko, matagal ko talagang pinagdadasal si Bebot noong soya ay PNP chief pa," aniya.

Damay rin umano ang mga residente sa kasikatan ni Dela Rosa lalo na at nakatira rin sila sa Barangay Bato.

Nais ng mga residente na matupad ni Dela Rosa ang kaniyang mga plano sa Senado, lalo na sa isyu ng ilegal na droga.

Si Dela Rosa ang kauna-unahang senador na mula sa lalawigan ng Davao del Sur.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.