Bagong laya, timbog sa tangkang panloloob sa bahay sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 06:27 PM | Updated as of May 22 2019 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog ang isang lalaking tinangkang manloob sa isang bahay sa Barangay East Kamias, Quezon City noong madaling araw ng Lunes. 

Sa kuha ng CCTV ng barangay, kitang patakas at hinahabol ng biktimang lalaki at mga tanod ang akyat-bahay na kinilalang si Jayson Franco. 

Nang masakote si Franco, napag-alamang bagong laya pala ito matapos makulong naman sa kasong theft. 

"Tumawag sa akin mismo ang biktima kaya agad tayo nagpa-dispatch ng tanod at nahuli siya. Dayo lang ito dito," sabi ni Octavio Garces, barangay chairman ng East Kamias. 

Ayon sa landlord ng biktima, pinuwersa pala ng suspek na buksan ang pintuan ng apartment pero agad siyang nakita ng tao sa loob kaya nakapagsumbong agad. 

"Natutulog ang biktima pero nagulat na lang siya nung pumasok [ang suspek] kaya hinabol agad," sabi ni Bien Bagalawis, may-ari ng inuupahang apartment ng biktima.

Depensa naman ng suspek, wala siyang nakuhang gamit sa biktima. 

“Hindi ko naman nakuha mga gamit eh," depensa niya. 

Kasalukuyang nakapiit ngayon si Franco at inihahanda na ang kasong isasampa sa kaniya. 

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.