ALAMIN: Mga mauutangan ng pang-tuition o pang-emergency

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Awtomatiko na para sa driver na si George Gaquing na mag-apply kada Mayo ng multi-purpose loan sa Home Development Mutual Fund o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund. 

Malaking tulong daw ang nauutang sa Pag-IBIG para sa pangmatrikula ng kaniyang 3 anak.

"At least 'yon may mapagkukunan kami sa Pag-IBIG, 'yong hulog ko sa Pag-IBIG every 6 months, laging nilalaan 'yon sa enrollment ng mga anak ko," ani Gaquing. 

Puwedeng kuhanin sa multi-purpose loan ang 80 porsiyento ng kontribusyon basta ang miyembro ay nakahulog na ng kumpletong 24 months o 2 taon.

Halimbawa, kung nasa P50,000 na ang naihulog nitong mga nakalipas na taon, ang 80 porsiyentong puwedeng mautang ay nasa P40,000.

Renewable o puwedeng umutang ulit pagkalipas ng 6 buwan.

"Kasi 'yong ibang mga miyembro natin inaasahan nila ang multi-purpose loan para sa pang-tuition ng mga anak nila," ani Pag-IBIG Fund president at chief executive officer Acmad Moti.

Pangliwaliw naman ang inutang ni Khay Gutierrez sa Pag-IBIG.

"Gusto ko lang i-enjoy 'yong buhay and then live at your fullest habang bata pa," ani Gutierrez.

Hinimok ni Moti ang mga miyembro ng Pag-IBIG na taasan ang savings rate para mas malaki ang maaaring mautang sa pondo.

Bukod sa Pag-IBIG Fund, puwede ring umutang ang miyembro ng pang-tuition, pang-emergency o kahit pambiyahe sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).

Sa SSS, P16,000 hanggang P32,000 ang salary loan pero kailangan munang magbayad ng isang taon at mabayaran nang kalahati ang utang bago makautang ulit. 

Sa GSIS, mayroon namang consolidated loan kung saan ang may 20 buwang hulog na ay puwedeng umutang ng katumbas ng 3 buwang suweldo.

Habang tumatagal sa gobyerno, lumalaki rin ang puwedeng utangin sa GSIS, gaya ng may 25 taon nang kontribusyon na puwedeng umutang ng katumbas ng 14 buwang suweldo. 

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.