7 arestado sa pagdukot sa Imus City

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 04:18 PM | Updated as of May 22 2019 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ng pulisya noong Martes ang 7 taong nagkulong umano sa kanilang 2 kakilala sa loob ng isang bahay sa Imus City, Cavite.

Sinalakay ng pulisya ang bahay sa isang subdivision sa Barangay Anabu I-D, kung saan inaresto ang mga suspek at nasagip ang seaman na si alyas "Larry."

Natunton ng mga awtoridad ang bahay sa tulong ng nakatakas na si alyas "Jessica," 19 anyos.

Magkakakilala ang mga suspek at biktima, ayon kay Police Col. William Segun, hepe ng Cavite police.

Pinagamit umano ng droga si alyas Jessica pero hindi na pinaalis ng bahay nang tumanggi sa umano ay kahalayang nais gawin ng mga suspek.

Ginapos at ikinulong din si Larry dahil hindi niya natupad ang pangakong magdadala ng babae, ani Segun.

Nagpanggap pa umanong pulis ang mga suspek at kinuhanan ng video si Larry kasama ng mga droga para ipatubos sa ina nito. Pinaso din ng mga suspek si Larry.

Narekober sa mga suspek ang 2 baril, at ilang sachet ng marijuana at shabu.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong kidnapping, illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. --Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.