3 banyaga huli sa aktong pot session

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 06:02 PM

Isang stick ng sigarilyo na may lamang marijuana at sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam ng awtoridad mula sa mga suspek. Larawan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency-Pangasinan


SAN CARLOS CITY, Pangasinan – Naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong banyaga sa aktong pot session sa isang boarding house sa Barangay Palaris dito sa siyudad nitong Lunes.

Ayon sa PDEA-Pangasinan, matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek dahil sa paggamit ng ilegal na droga. Kabilang sa mga nahuling suspek ay isang Pakistani na dentista at dalawang Palestinian na college student.

Modus umano ng mga suspek ang pagbebenta ng marijuana. Pinapalitan umano nila ng dahon ng marijuana ang laman ng mga sigarilyo. 

Nakuha mula sa kanila ang isang stick ng sigarilyo na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at isang plastic sachet na naglalaman ng dried marijuana leaves.

Parokyano rin umano ng mga suspek ang ilang college student sa lungsod. 

Inaalam naman ngayon ng PDEA kung saan sila kumukuha ng supply ng marijuana.

Nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek habang inaalam din ng PDEA kung legal ang dokumento ng mga foreign national sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.