2 kandidatong nasa narco-list, wagi sa Misamis Occidental

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 12:53 PM

MISAMIS OCCIDENTAL - Tagumpay na mananatili sa pwesto ang 2 pulitiko ng probinsya na kasamang pinangalanan sa listahan ng narco-politicians ni Pangulong Rodrigo Duterte bago pa man ang midterm elections.

Muling naihalal para sa kaniyang ikatlong termino bilang alkalde sa bayan ng Calamba si Mayor Ezel Villanueva matapos makakuha ng 8,786 na boto. Higit 6,000 na boto ang lamang niya sa katunggaling si Edgar Iman.

Ayon kay Villanueva kagagawan umano ng dating katunggali niya noong taong 2016 kung bakit napasama ang kaniyang pangalan sa listahan ng narco-politicians. 

“Ang nangyari ‘yong katunggali ko noong 2016 election may kapit sa taas at siya ang ginawang provincial chairman sa Masa Masid, na siya namang ginawang basehan ng DILG [Department of the Interior and Local Government] sa paggawa ng matrix. Ginamit ito ng mga katunggali ko na mapasana ‘yong pangalan ko sa narco-list,” ani Villanueva.

Dahil dito, nakakatanggap umano ang alkalde ng banta sa kaniyang buhay.

Hindi naman naniniwala ang mga residente ng bayan na may kinalaman sa operasyon ng iligal na droga ang kanilang alkalde. Sinisiraan lang umano siya ng kaniyang mga kalaban sa pulitika.

Kaya naman, kampante at naniniwala pa rin sila sa kakayahan ng kanilang alkalde dahil maayos naman ang pamamalakad nito sa kanilang bayan.

Tututukan ngayon ni Villanueva sa kaniyang huling termino ang pagsasaayos ng sentro ng kalakalan sa kanilang bayan, gayundin ang patuloy na pagpapagawa ng farm to market road para mas mabilis na maibyahe ng mga magsasaka ang kanilang produkto.

Samantala, muli ring nahalal sa kaniyang pangalawang termino si Mayor David Navarro sa bayan ng Clarin.

Kasama din si Navarro sa narco-list ni Duterte. Pero sa kabila nito, nakakuha pa rin ito ng 12,164 na boto.

Si Villanueva at Navarro ay kabilang sa 27 mga pulitiko sa bansa na kasama sa narco-list ni Pangulong Duterte na muling nailuklok sa pwesto ng nagdaang midterm elections sa kabila ng patuloy na imbestigasyon ng PNP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.