SK councilor sa Leyte, nahulihan umano ng marijuana

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 04:52 PM

MANDAUE CITY - Arestado ang isang konsehal ng Sangguniang Kabataan ng Zone 13 sa Baybay, Leyte matapos makuhanan umano ng marijuana.

Huli sa checkpoint sa Mandaue City ang 20 taong gulang na si Jesjoma Nomar Aranas Sabado ng gabi. Nakuha mula sa kaniya ang 163 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P5,000.

Ayun kay Mandaue City Police Office Director Senior Supt Roberto Alanas Jr., sadyang lumuwas ng Cebu si Aranas para bumili ng marijuana na siyang ipamimigay 'di umano sa mga kabataan sa kanilang lugar sa kanilang victory party.

Dagdag ni Alanas, madalas ginagawa ang transaksyon nito sa pier ng Cebu City. Hindi pa matukoy ng awtoridad kung sino ang supplier ni Aranas ngunit may report sila na nanggaling sa Cebu City at sa Cebu province ang suplay ng marijuana.

Umamin naman ang binata na napag-utusan lang siyang bumili nito.

Humingi rin ng paumanhin sa mga bumoto sa kanya si Aranas maging sa kaniyang mga magulang dahil sa kahihiyang kaniyang idinulot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.