'Sangla-bahay' modus nabisto sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 08:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natiklo ng mga awtoridad ang "sangla-bahay" modus ng umano'y budol-budol gang matapos magreklamo ang ilang nabiktima ng grupo sa Batasan Hills, Quezon City.

Ayon sa isa sa mga biktimang si alias "Sarah," nagbayad umano siya ng aabot sa P150,000 sa suspek na kinilalang si Rosalyn Mantes para sa isang commercial unit at ilang apartment units.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na hindi lamang kay Sarah isinangla ng suspek ang mga nasabing ari-arian.

Lumitaw rin ang isa pang nabiktima umano ni Mantes na si Ligaya Esquierdo.

Nagbayad daw si Esquierdo ng P120,000 kay Mantes para sa sinangla nitong mga ari-arian.

"Sinangla [ang] usapan namin, ako maniningil sa uupa pero walang nangyaring ganoon," ani Esquierdo.

Nang puntahan ng mga biktima ang mga naturang ari-arian ay nakatira na pala rito ang isang pamilya na pinagsanglaan din umano ng suspek sa halagang P150,000.

Dumulog na sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6 ang 8 sa mga nabiktima umano ng suspek.

Nagsampa ang mga ito ng kasong large scale estafa laban kay Mantes at dalawa pa nitong mga kasabwat. 

Ayon sa pulisya ay posibleng higit sa 20 ang nabiktima ng grupo.

Nanawagan naman ang mga awtoridad kay Mantes na lumitaw at harapin ang mga ikinaso laban sa kaniya.

"Sana sumurender na lang siya sa 'min at harapin ang kaso niya. Baka kasi marami pa itong maloko," ani Inspector Sandie Caparroso ng QCPD Station 6.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.