Mga taga-Marawi, dama pa rin ang 'bangungot' ng giyera

ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 09:28 PM | Updated as of May 22 2018 11:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mag-iisang taon na mula nang mangyari ang digmaan sa Marawi City at nakabalik na rin sa kanilang mga bahay ang ilang residente, pero marami sa kanila ay hindi pa rin lubusang nararamdaman ang "normal" na pamumuhay. 

Maging ang mga ospital at ahensiya ng pamahalaan ay dama pa rin ang epekto ng digmaan sa kanilang serbisyo.
    
Isa ang Amai Pakpak Medical Center sa mga pinasok ng Maute group nang salakayin nila ang Marawi City.

Pumuwesto sila sa labas ng ospital at may ipinagamot pang kasamahan.
    
Sa labas ng ospital, napatay ng mga terorista ang isang pulis na nagpagamot sa kaniyang misis.

Ilan lang ang mga alaalang ito sa mga karanasang bumabagabag pa rin kay Dr. Amer Saber, chief of hospital ng Amai Pakpak.

"They came in. It was very scary because as you would have recalled, si [Senior Inspector Fredie] Solar of the PNP, dito siya nabaril. Sa harap mismo, I was watching it," pagbabahagi ni Saber. 

Inalala rin niya ang takot nang maghanap ng mga Kristiyano ang Maute kaya nagtulong-tulong ang mga staff para matiyak na ligtas silang lahat.

"I have a lot of employees, Christian employees. They (Maute) asked in the emergency room whether Christian ba ito," ani Saber. 

Tatlong araw nagtago sa isa sa mga kuwarto ang hospital employee na si Argine Pilones para hindi makita ng Maute group.

"Kung madiskubre kami, marami kaming Christians, balak naming tumalon na lang sa pader," kuwento ni Pilones.

Tapang

Sa kabila ng kanilang naranasan, bumalik pa rin sina Saber at Pilones sa ospital nitong Enero para magbukas at pagsilbihan ang mga evacuees o ang mga 'bakwit' na bumalik na ng Marawi.

Sa ngayon, balik-operasyon na ang ospital pero nananatili ang bangungot ng nakaraan.

Sa labas ng ospital, bumalik na rin ang mga residente pero malalim pa rin ang sugat na iniwan ng digmaan.

"Kaunting kibot-kibot lang, may mag-ano, magtatago ka. Hahanapin mo 'yung anak mo," umiiyak na kuwento ni Beverly Modaser, residente.

"Natatakot pa rin kasi halimbawa may part 2 daw. Naririnig namin, sa text text ba... [Di kami makaalis kasi] wala kaming mapuntahan," ani Jamael Hadjinasib, isa ring residente.

Kulang na kagamitan

Nadurog din ang fire station ng Marawi dahil sa kaliwa't kanang pambobomba. Pero isang taon na ang nakalilipas, hindi pa rin napapalitan ang kanilang fire truck na ginamit ng Maute group.

Pinagkakasya nila ngayon bilang kagamitan ang tatlong bota at helmet na naiwan.
    
"Mag-aantay lang po tayo kung ano, but nonetheless we have referred all these problems sa ating opisina po sa kataasan po," ayon kay James Ra, isang fire marshal.

Pinagkasya naman muna ang mga bilanggo sa isang dating outpost dahil nasira din ang police station sa mga pag-atake.

--Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.