Mega Market ng Cotabato City, nasunog

Jasper Acosta at Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 04:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

COTABATO CITY - Nasunog ang Mega Market sa bahagi ng Mother Barangay Poblacion, Cotabato City Lunes ng gabi.

Sumiklab ang apoy pasado alas-11 ng gabi sa ikalawang palapag ng gusali, ayon sa barangay fire brigade.

Aabot sa 1,000 negosyante ang maaaring maapektuhan ng sunog, base sa talaan ng lokal na pamahalaan.

Isa sa mga nasunogan ay si Bai Lyn Untong na nawalan ng higit P100,000 halaga ng kaniyang mga panindang bigas, asukal, at itlog.

"Wala pa akong asawa...mahirap talaga," aniya.

Nasunog din ang patahian ni Dr. J. Samal. Nasa P50,000 halaga ng kaniyang gamit ang tinupok ng apoy.

"Masakit po dahil walang ipon eh. Sana matulungan kami," aniya.

Hiling naman ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magsagawa ng full-blown investigation sa insidente.

Mayroon umano siyang natanggap na impormasyon na maaaring sinadya ang sunog.

"I was told na something fishy...maaaring sinadya. I want a full-blown investigation," aniya.

Isang bumbero naman ang nasugatan habang tumutulong sa pag-apula ng apoy. Inaalam pa ng BFP ang sanhi at halaga ng pinsala sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.