Marawi survivor, bumalik sa basement na pinagtaguan ng 12 araw

ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 10:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inakala noon ni Loloy Dando na mamamatay sila ng kaniyang asawang si Gracia, anak na si Brian, at higit 30 guro at staff ng Dansalan College.

Sa loob ng 12 araw, nagtago ang pangkat nina Dando sa ilalim ng isang bahay sa gitna ng bakbakan sa pagitan ng militar at teroristang grupong Maute sa Marawi.

Nang dumating ang sandaling naubos na ang kanilang suplay ng pagkain at tubig, nakipagsapalaran na lang sila at tumakbo sa gitna ng mga nagliliparang bala para maabot lang ang militar na may layo sa kanilang dalawang kilometro.

Isang taon makalipas ang unang bugso ng Marawi siege, hindi pa rin makapaniwala si Dando na nalampasan niya ang panganib at nagawa pang balikan ang basement na pinagtaguan nila.

Nawasak na ang buong bahay sa loob ng limang buwang digmaan sa Marawi.

Ayon kay Dando, kung hindi pa sila tumakas ay ang bahay na dapat ang kanilang puntod.

"Masakit talaga sa 'kin kasi 'yong Marawi parang dito na ako lumaki, 'yong bahay na 'to, dito ako nakatapos ng pag-aaral," aniya.

Dagdag pa ni Dando, naging mahirap ang nakalipas na taon, lalo at kinailangan nilang magsimula ulit ng kaniyang pamilya sa labas ng Marawi.

Pero para kay Dando, sa kabila ng dinanas, sa huli ay mahalagang buhay pa rin sila.

Watch more in iWant or TFC.tv

BUTIG

Samantala, unti-unti namang nagbalikan ang mga residente ng bayan ng Butig, Lanao Del Sur, na naging sentro ng bakbakan sa pagitan ng militar at mga Maute.

Taong 2016 nang magsimulang manggulo ang Maute sa Butig hanggang sa umabot sa Marawi noong sumunod na taon.

Dating umalis ng Butig ang negosyanteng si Alimozaman Bangcola para sumubok ng buhay sa Marawi, pero makalipas ang bakbakan ay sa Butig na ulit siya namumuhay.

"Puwedeng bumalik, maganda dito ngayon, lalo na nandito 'yong mga militar," aniya.

Ayon sa militar, bagaman wala na ang dating problema ng terorismo sa lugar, hindi pa rin sila tumitigil sa paghahanap sa mangilan-ngilang miyembro at tagasuporta ng Maute group.

Nakatutulong umano sa militar ang mga residente ng Butig na mismong nagtuturo sa kanila sakaling may mga kahina-hinala sa paligid.

"Nagko-cooperate na 'yong mga tao at nandito na rin 'yong development, mga government project," ani Lieutenant Colonel Edgar Villanueva, commander ng 49th Infantry Battalion.

Mula nang matapos ang bakbakan sa Marawi, naging aktibo ang militar sa mga gawain sa komunidad, gaya ng pagdaraos ng sports events at pagpapakalat ng mga bagong bandila sa bawat paaralan.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.