Lalaki na umano'y nagsimula ng sunog sa Navotas, arestado

ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 05:25 AM

MAYNILA - Inaresto ang isang lalaki na siya umanong may kagagawan ng sunog sa Barangay North Bay Boulevard North, Navotas City Lunes ng gabi.

Ayon sa suspek, naglasing muna siya bago sinindihan ng posporo ang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay.

Problemado raw kasi siya matapos iwanan ng pamilya.

"Balak ko po sana sumama. Hinila lang ako ng mga kapatid ko," aniya. 

Nasa 12 bahay naman ang nasunog at 24 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Ayon kay Supt. Edwin Vargas, fire marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) - Navotas, nahirapan sila sa pag-apula ng apoy dahil masikip ang lugar.

"Naubusan din kami ng tubig kaya nag-refill pa," aniya.

Kinailangan pa ng ibang bumbero na umakyat sa rooftop ng katabing gusali at pader ng isang gasolinahan.

Nailigtas naman ng mga bombero ang isang matandang lalaki sa isang bahay na nasusunog.

Pansamantala munang nakakulong sa Navotas Police Station si Barela habang kumakalap pa ng matibay na ebidensiya ang mga imbestigador laban sa kaniya para makasuhan ng arson. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.