Drayber ng truck, pinagsasaksak ng mga tinderong 'nausukan'

ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 05:34 PM | Updated as of May 22 2018 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong Lunes sa Caloocan City ang dalawang lalaki matapos pagtulungang saksakin ang isang drayber ng delivery truck nang mabugahan umano sila ng usok.

Isinugod sa ospital ang biktimang si Arlan Bayron matapos magtamo ng pitong saksak sa katawan nang pagtulungan ng mga suspek na sina Eddie Gutierrez at Adam Buban.

Habang nagsasagawa ng delivery sa isang supermarket, nabugahan ng usok ni Bayron ang mga tinderong nakapuwesto sa labas ng gusali, ayon kay Caloocan police spokesperson Senior Superintendent Ferdie Del Rosario.

"Nabugahan ng usok 'yong mga vendor doon so ito ang kinagalit ng mga vendor," ani Del Rosario.

Ikinapikon umano ni Gutierrez ang pagbuga ng usok at kinompronta ang drayber bago dumating si Buban na nakisali sa diskusyon.

Makalipas ang ilang saglit ay pinagtulungang bugbugin nina Gutierrez at Buban si Bayron.

Hinawakan ni Gutierrez ang biktima bago siya pinagsasaksak ni Buban gamit ang kutsliyong kinuha pa niya sa kaniyang tindahan.

Nahuli sa follow-up operation ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.