Bagong laya, patay sa engkuwentro sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 07:57 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaking kalalaya lang sa kulungan matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Pasay City Martes ng madaling-araw.

Isinugod pa sa ospital ang suspek, pero hindi na ito umabot ng buhay.

Dati na umano itong nasangkot sa mga insidente ng robbery-holdup, paggamit ng iligal na droga, at panggahasa ng kaniyang nakababatang kapatid.

Ayon kay Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City police, nakatanggap sila ng tawag na may gumagamit ng ilegal na droga sa isang umano'y drug den sa Barangay 179.

Nang salakayin ng pulisya ang lugar, nagtakbuhan ang ibang lalaki. Ngunit, nagtangka ang suspek na bumunot ng kaniyang baril na nauwi sa putukan.

Lumutang naman ang babaeng kapatid ng suspek. 

Kuwento nito, ginahasa siya ng lalaking kapatid noong isang buwan. Hindi naman umano ito nagtutulak, pero madalas daw gumamit ng shabu. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.