3 toneladang pating, pagi, nasabat mula sa mga mangingisdang Vietnamese

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 04:50 PM | Updated as of May 22 2018 11:18 PM

BALABAC, Palawan - Aabot sa tatlong toneladang patay na pating at pagi ang nasabat ng awtoridad mula sa 2 bangka sa karagatan ng Mangsee Island sa bayan na ito.

Nangangamoy na ang mga ito nang dalhin ng Philippine Navy sa Tide Pole Point Martes ng hapon.

Ika-19 ng Mayo nang mahuli ng Philippine Navy ang dalawang bangka ng mga mangingisdang Vietnamese. Sa kabuuan, 20 mangingisdang mula Vietnam ang nahuli.

Nasabat sa mga ito ang 1 toneladang iba't ibang uri ng pating, 2 toneladang iba't ibang uri ng pagi, 10 kilong pinatuyong shark's fin, 10 kilong pinatuyong balat ng pating, at 300 kilong iba't ibang klaseng isda.

Base sa imbentaryo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, aabot sa P170,300 ang market value ng mga nakumpiskang lamang-dagat.

Nakatakdang i-inquest ang mga nahuling Vietnamese na haharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10654, Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act at illegal entry.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.