3 heavy equipment, sinilaban sa Negros Oriental

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 09:13 PM

Isa ang road roller sa mga sinilabang heavy equipment ng mga hinihinalang kasapi ng New People's Army sa bayan ng Mabinay sa Negros Oriental, Mayo 21, 2018. Photo courtesy of Negros Oriental Provincial Police Office 

MABINAY, Negros Oriental – Tatlong insidente ng panununog ng mga heavy equipment ang naitala ng awtoridad nitong Lunes.

Sa Sitio Talingting, Barangay Luyang, sinunog ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang road roller.

Sa ikalawang insidente naman sa Sitio Botocon, Barangay Bagtik, sinilaban ang isang back hoe, habang sa Sitio Bigonia sa nasabing barangay din naitala ang ikatlong insidente kung saan sinunog naman ang isang bulldozer.

Ayon sa awtoridad, lahat ng sinilaban ay pag-aari ng isang pribadong contractor na kinontrata para sa road projects mula sa main highway patungo sa mga barangay dito sa bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang motibo sa panununog ay ang pagtanggi ng contractor na magbayad ng revolutionary tax sa mga rebelde.

Nagsasagawa na ngayon ng hot pursuit operations ang awtoridad para mapanagot ang mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.