2 patay sa hiwalay na police operation sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 09:05 PM

Nabaril sa drug-bust ang payong-payong driver na si Allan Pananggalang sa Barangay Montay sa bayan ng Libungan matapos umano magpaputok nang makatunog na pulis ang kaniyang katransaksiyon. Photo courtesy of Libungan Police

MATALAM, North Cotabato – Dalawa ang patay sa magkahiwalay na police operation dito sa bayan at sa Libungan, Martes ng madaling araw. 

Maghahain sana ng search warrant ang awtoridad alas-3 ng madaling araw laban kay Jun Bacud kaugnay sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition, illegal possession of explosives at illegal drugs nang paputukan umano sila ng suspek.

Agad na gumanti ang operating team at nabaril si Bacud na isang small town lottery operator. Nadala pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 revolver, mga bala at walong pakete ng hinihinalang shabu.

Sa Barangay Montay naman sa bayan ng Libungan, namatay si Allan Pananggalang, isang driver ng payong-payong (isang uri ng tricycle) sa isinagawang drug bust pasado alas-8 ng umaga.

Isang pakete ng ilegal na droga ang nabili umano sa suspek ng isang agent na nagpanggap bilang buyer.

Agad umanong nagpaputok ng baril ang suspek nang makatunog na pulis ang ka-transaksiyon nito kaya nabaril din siya.

Dead on arrival din sa pagamutan si Pananggalang.

Bahagi ng mas pinalakas na kampanya kontra droga ang mga isinagawang operasyon sa probinsiya, ayon sa awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.