2 patay, 11 sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa CamSur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at May 22 2018 01:17 PM

Tatlo sa apat na sasakyan na nagkarambola ang nakunan sa larawang ito. Dalawa ang naiulat na patay sa insidente. Libmanan MPS

LIBMANAN, Camarines Sur - Dalawa ang patay sa karambola ng apat na sasakyan nitong madaling araw ng Martes sa bayang ito.

Sa imbestigasyon ng pulis, nag-overtake ang isang Toyota Avanza na papuntang Naga sa Ford Everest pero nakasalubong nito ang Tripolds Bus papuntang Maynila.

Isang truck ang nadamay sa karambola pero wala namang nasaktan sa mga sakay nito.

Pagkabig ng bus pakanan, tiempong padating din ang Philtranco at naipit ng dalawang bus ang Ford.

Limang sakay ng Ford ang isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival si Leoncia Mangarin, 58, principal ng pampublikong elementarya sa Libmanan.

Tatlo sa apat na sasakyan na nagkarambola ang nakunan sa larawang ito. Dalawa ang naiulat na patay sa insidente. Libmanan MPS

Dadalo sana si Mangarin sa meeting para sa paghahanda ng Brigada Eskwela sa susunod na Linggo.

Isinugod sa ospital ang mag-asawang sakay ng Avanza. Isang Swiss national ang sugatan habang taga bayan ng Pili Camarines Sur ang asawa nitong si Ronel Peña.

Namatay na si Peña sa ospital. Ligtas naman ang siyam na buwang sanggol ng mag-asawa.

Apat pang pasahero ng Philtranco bus ang nakalabas na sa pagamutan.

Patuloy na pinaghahanap ngayon ang driver ng Tripolds bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.