Teenager patay matapos makuryente habang nakikipagtaguan

Meneil Lopez, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 07:27 AM

Bahagi ng school quadrangle kung saan nakuryente ang biktima. Meneil Lopez, ABS-CBN News

BACOLOD - Patay ang isang 19 anyos na lalaki matapos makuryente habang nakikipaglaro ng tagu-taguan sa Negros Occidental High School sa lungsod na ito, Sabado.

Dating estudyante ng paaralan ang biktima na naaksidente matapos mahawakan ang isang live wire sa quadrangle.

Ayon kay Mario Amaca, principal ng NOHS, nagdaos ng Boy Scout Leadership Training Camp ang paaralan nitong weekend.

Dati aniyang boy scout ang biktima kaya ito imbitado sa leadership training.

Dagdag ni Amaca, pawang mga dating boy scout din ang kalaro ng taguan ng biktima.

Nahawakan aniya ng teenager ang live wire habang pababa ito sa pinagtaguang bubong. Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Nagbigay naman ng ayuda ang NOHS Parents-Teachers Association sa pamilya ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.