Sanggol na tinangay ng kasambahay, nasagip sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 12:56 PM | Updated as of May 22 2017 03:19 PM

MAYNILA (UPDATED/CORRECTED) - Nasagip na ng mga awtoridad sa Cauayan City sa Isabela ang isang sanggol na tinangay ng kasambahay ng pamilya sa Caloocan City. 

Natagpuan ng mga pulis ang sanggol kasama ang kasambahay na si Josephine Asuncion sa isang bahay sa Barangay Gappal, Cauayan City, Linggo pasado alas-8:00 ng gabi.

Una nang nakunan ng CCTV ang pagtangay ng kasambahay sa sanggol pero mariing itinanggi ni Asuncion na kanyang dinukot ang alagang sanggol.

Giit ng suspek, naligaw lang siya nang dadalhin sana ang sanggol sa mga magulang nito. Plano umano niyang dalhin ang bata sa mga kaanak nito sa Tuguegarao. 

"Ipinagpilitan niyang anak nila 'yun kasi nung umalis daw ang girlfriend, buntis daw, yun ang sinasabi ng suspek," ani Inspector Esem Galizaw, ng Cauayan City police.

"Nung dumating siya nung 19, ang sinabi niya dun sa boyfriend e 'yun na 'yung anak nila. So the boyfriend knows anak nila yun.. isang buwan lang yata silang kuwan kaya 'yung lalaki hindi na rin nag-isip, naniwala na lang," dagdag pa niya.

Natunton ang suspek at ang sanggol sa tulong ng mga opisyal ng barangay na agad nagsumbong matapos mapanood sa TV Patrol ang insidente. 

Nakatakda namang imbitahan ng pulisya sa presinto ang boyfriend ni Asuncion para sa imbestigasyon.

Hinihintay na ang pagdating ng mga mangulang ng sanggol na sina Rogenio at Girlie Mejia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.