Pulis pinagbabaril sa loob ng kotse, patay

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 11:46 AM

MAYNILA - Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang kotse sa Tondo, Maynila pasado hatinggabi ng Lunes.

Kinilala ang biktima na si PO2 Federick Tolentino, na pinagbabaril sa Quezon Street, Barangay 116 Zone 9.

Ayon sa isang saksi, sakay ng dalawang motorsiklo ang mga hindi pa nakikilalang salarin.

Pasado alas-3:00 ng madaling araw na nang mailabas sa kotse ang bangkay. Inaalam pa ng mga awtoridad kung tagasaan ito.

Tiyak naman ang mga opisyal ng barangay na hindi tagakanila ang napatay dahil ngayon lamang nila nakita ang kotse sa kanilang lugar.

Matatandaang nitong Marso lamang, isang babaeng pulis ang pinagbabaril din sa loob ng kanyang kotse sa Recto, Maynila.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.