Magkaibigan, nakuhanan ng higit 1 kilong marijuana

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 12:05 PM

MANILA - Inaresto ang 2 magkaibigan matapos makuha ang isang kilo ng hinihinalang marijuana sa kuwartong inuupahan ng isa sa kanila sa Parañaque, Lunes. 

Sinalakay ng mga opisyal ng Barangay Baclaran ang kuwarto ni Jay Vee Cenina, 23 anyos, dahil sa sumbong ng may-ari ng kanyang boarding house. 

"'Yung katabing kuwarto, sabi laging 'di nakakatulog kasi [maingay ang] packing tape, barena na blender [sa kuwarto ni Cenina]. Noong pumasok, parang iba ginagawa. Anong oras na, gising pa... Buong araw tulog," kuwento ng landlady na si alyas "Aileen." 

Nakuha sa kuwarto ni Cenina ang 2 bultong kwadrado na binalutan ng packing tape at may lamang pinisat na dahon ng umano'y marijuana. 

Narekober din ang ilang plastic sachet, isang timbangan at lighter. 

Dinampot ng mga awtoridad si Anne Margareth Espaldon, 29, kaibigan ni Cenina na kasama umano niya tuwing gabi.
 
Ayon sa mga pulis, posibleng negosyo ng magkaibigan ang pagbebenta ng marijuana -- paratang na itinanggi ng dalawa. 

Giit ng mga suspek, hindi sa kanila ang mga nakumpiskang dahon at gamit. 

Sinabi rin ni Cenina na kagagaling lang niya sa probinsya at dinatnan lamang ang mga dahon ng marijuana sa ilalim ng kanyang kama. 

Nakatakdang maharap ang magkaibigan sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act. -- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.