Lola na may 3 tama ng bala sa ulo, natagpuan sa gilid ng kalsada

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 08:28 PM

Isang matandang babae ang natagpuang patay at may 3 tama ng bala sa ulo sa Pinili, Ilocos Norte.

PINILI, Ilocos Norte– Natagpuan ang bangkay ng isang matandang babae sa gilid ng kalsada sa Barangay Santo Tomas nitong Linggo ng madaling araw.

May 7 tama ito sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan--3 sa kaniyang ulo, 2 sa kanang braso, at tig-isa sa dibdib at likuran.

Tinatayang 55 hanggang 60 anyos ang biktima na nasa 4’8” hanggang 5’ feet ang taas. Puti at kulot ang buhok nito at nakasuot ng light blue blouse at stripes na sando. May hawak din itong plastic bag.

Ayon kay SPO1 Jimmy Aganon, chief intelligence officer ng pulisya ng Paoay, una itong nakita ng pulis na si PO3 Christopher Valeroso na papunta na sana sa kaniyang trabaho.

Nahihirapan ang mga pulis sa imbestigasyon dahil hanggang ngayon hindi pa nila alam ang pagkakakilanlan ng biktima.

Naniniwala ang mga pulis na hindi taga-Pinili ang biktima at maaring dinala lamang ito sa Barangay Santo Tomas at doon pinagbabaril.

“Hindi kami makapagsimula kung ano ang maaaring motibo sa krimen dahil hanggang ngayon hindi pa natin alam ang identity ng biktima," ani Aganon.

Patuloy ang koordinasyon ng pulis sa ibang bayan para matulungan silang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.

Hiling nila na kung sino man ang may nakakakilala o may mga nawawalang kaanak na kapareho sa mga deskripsiyon sa biktima, agad magtungo at makipag-ugnayan sa mga pulis.

Nasa Macabiog Funeral Homes sa Currimao, Ilocos Norte ang bangkay ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.