Lalaking hubo't hubad pumasok sa ilang bahay sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 10:03 AM

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki matapos itong hubo't hubad na pumasok sa ilang bahay sa Barangay San Antonio, Parañaque City Linggo ng gabi.

Unang binulabog ng hindi pa kinikilalang lalaki ang mga dalagita na abala sa kanilang cellphone.

Matapos hubo't hubad na pumasok sa mga bahay, kulong ngayon ang lalaking ito. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Kuwento ng isa sa mga babae, inakala niyang kapatid lang ng kanyang kaibigan ang pumasok kaya hindi muna niya pinansin.

Pero bigla na lang aniya itong pumasok sa kuwarto na tila ba may hinahanap.

Nang tingnan, doon na sila na gulat sa hubo't hubad na lalaking hindi naman nila kakilala.

Lumabas ang lalaki pero hindi ito nakuntento at pumasok din ang ilang bahay sa kahabaan ng Jupiter Street.

Dahil dito, humingi na ng saklolo sa mga opisyal ng barangay ang mga residente.

Hinanap ng mga tagabarangay ang suspek at inabutan itong nakahiga at hubo't hubad pa rin sa mga batuhan ng creek sa lugar.

Sa creek na ito dinatnan ng mga tagabarangay ang lalaki. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Kuwento ng lalaki, naghahanap siya ng damit sa mga bahay na pinasok niya.

Tinanggal umano niya ang damit dahil may sumusunod umano sa kanya at mistula umano siyang kinukulam. Humingi ng tawad ang lalaki.

"Parang pakiramdam ko po may kumukulam sa akin. Humihingi po ako ng pasensiya," aniya.

Inaalam na ng mga awtoridad kung may diperensiya sa isip ang lalaki o gumagamit ng ilegal na droga.

Bukod sa drug test, ipapasuri din sa doktor ang suspek na posibleng maharap sa kasong trespassing, attempted rape, at exhibitionism.