Higit P100M shabu, nakuha sa nakaparadang kotse sa Cavite

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 05:43 AM

Nakuha ang 21 pakete ng shabu na nakatago sa mga bag sa loob ng isang nakaparadang kotse sa labas ng isang ng mall sa Bacoor, Cavite Lunes ng gabi. 

Maghapong binantayan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lumang puting kotse dahil may impormasyon silang naglalaman ito ng droga na kukunin ng isang buyer.

Pero nang ginabi na sila at walang dumating, nagpasya na silang buksan ang mga pinto ng kotse at tignan ang loob.

Nakuha sa likurang upuan ang dalawang sports bag, at nang buksan, nakuha ang 21 matatabang pakete na may puting laman.

Nang i-test, nakumpirmang shabu ito.

Hindi makapaniwala ng mga tanod ng Barangay Habay Dos ang nadiskubre sa kanilang lugar.

Sa kada kilong timbang ng mga pakete, tinatayang aabot ng P105 milyon ang halaga ng nasabat na droga.

Maya-maya, may nakitang susi sa gilid ng gulong sa unahan na swak sa mga pinto at nagpaandar sa kotse.

Iniimbestigahan pa ng NBI kung sino ang nag-iwan ng sasakyan at sino ang magpi-pick-up dapat ng laman nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.