Anti-Distracted Driving Act, pinasususpinde ng ilang senador

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 06:22 PM | Updated as of May 23 2017 03:22 AM

Inalmahan na maging ng ilang senador ang pagpapatupad ng kontrobersiyal na R.A. 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act.

Tila kalabisan na raw na ipagbawal pati ang paglalagay ng air freshener, mga abubot sa dashboard, imahen ng poon, at rosaryo dahil nakakaharang daw ang mga iyon sa paningin ng nagmamaneho.

Tinawag ngang “OA” ni Sen. Richard “Dick” Gordon ang pagpapatupad ng batas. Sana raw mas higpitan iyong mga driver na gumagamit ng ilegal na droga para sa mahabang biyahe.

Binatikos naman ni Sen. JV Ejercito ang mga opisyal ng Dept. of Transportation (DOTr) dahil hindi raw nila naintindihan ang layon ng batas. Mas delikado raw yumuko para tingnan ang navigation app sa cellphone dahil importanteng nakatutok ang driver sa kalsada bawat segundo ng pagmamaneho.

Pati si Sen. Nancy Binay, nasosobrahan sa mga ipinagbabawal ng batas. Tila nalusaw nga raw ang layon nitong ipagbawal lang ang pagte-text at pagtawag habang nagmamaneho.

Kaya naghain na ang senadora ng resolusyon para ipatawag ang mga opisyal ng LTO para magpaliwanag tungkol sa umano’y pagpapagulo nila sa pinagtibay na batas.

Naghain na rin ng mosyon sa sesyon si Senate Majority Leader Tito Sotto na kumukuwestiyon sa Implementing Rules and Regulation na siyang pumapatnubay sa pagpapatupad nitong batas.

Gusto niya rin munang ipasuspinde sa DOTr ang pagpapatupad nito. Banta pa niya, kapag nagmatigas ang DOTr, hindi rin daw nila palulusutin sa Senado ang pondo ng kagawaran.

Wala pang sagot ang DOTr sa pahayag ng mga senador.

Pero si Sen. Bam Aquino, gustong bigyan muna ng pagkakataon ang pagpapatupad nitong batas. Ginawa rin naman daw ito para sa kapakanan ng lahat.

Sina dating Sen. Sergio Osmena III, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang may-akda ng R.A. 10913 sa Senado na pinagtibay noong nakaraang kongreso

Bibigyang prayoridad naman ng public services committee na pinangungunahan ni Sen. Grace Poe ang panawagan kaugnay sa Anti-Distracted Driving Act.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.