ALAMIN: Mga dapat tingnan sa isang dormitoryo

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 07:55 PM | Updated as of May 23 2017 03:17 AM

Sa mga naghahanap ng dormitoryo ngayong papalapit na ang pasukan, ano nga ba ang dapat isaalang-alang sa pagpili ng matitirhan?

Madalas na pinapansin ng mga estudyanteng naghahanap ng dorm sa Metro Manila ang komportableng kama at malinis na palikuran. Pero dahil sa posibilidad ng sunog o anumang sakuna, kinakailangang hindi lang maayos kundi ligtas ang mga dormitoryong uupahan.

Dapat suriing mabuti ang paligid kung may fire extinguisher at sprinkler. Dapat ding tingnan kung may emergency lights ba, at siyempre kung maluwag ang fire exit.

Ininspeksiyon ng Quezon City Business Permit and Licensing Office (BPLO) kasama ng Bureau of Fire Protection ang ilang dormitoryo nitong Lunes ng umaga, ilang linggo bago ang pagbubukas muli ng mga klase. 

Sinuri nila kung ligtas ang mga dormitoryo sa posibilidad ng sunog o anumang sakuna.

''Tinitignan namin paano kung [may] stampede ng tao. Maraming hindi pa compliant... binibigyan namin sila [ng] notice of violation,'' ayon kay BPLO Inspector Ronnie Miclat.

Dagdag ng BPLO, bukod sa kaligtasan sakaling magkasunog, dapat din umanong tingnan ang iba pang aspeto ng dormitoryo tulad kung sumusunod ito sa Building Code pati na sa pangkalahatang kalinisan o sanitation standards.

Mainam din kung may CCTV at guwardiya ang tutuluyang dorm para mamo-monitor lahat ng papasok at lalabas sa mga gusali.

Patuloy na mag-iinspeksiyon ang mga awtoridad para masigurong sumusunod sa mga itinakdang pamantayan ang mga dormitoryo.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.