6 na kongresista dumalaw kay De Lima sa Crame

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 11:44 AM | Updated as of May 22 2017 12:13 PM

Dinalaw ng ilang mga kongresista si Senator Leila de Lima Lunes ng umaga sa piitan nito sa Camp Crame, habang inaasahang magsisimula na ang pagpupulong ng mga senador ukol sa death penalty.

Dakong 10 a.m. nang dumating sa Philippine National Police Custodial Center sina Reps. Edcel Lagman, Gary Alejano, Edgar Erice, Emmanuel Billones, Raul Daza at Teodoro Baguilat upang bisitahin si De Lima.

Inaantabayanan pa ang paglabas ng mga nasabing mambabatas para makumpirma ang mga napag-usapan sa loob ng piitan, ngunit matatandaang ilan lamang ang anim na kongresistang ito sa mga bumoto kontra sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan nang talakayin ito sa House of Representatives.

Pumasa man ang panukala sa mababang kapulungan nitong Marso, sisimulan naman nang busisiin ng Senado ang kaparehong panukala sa mga susunod na araw.

Nauna nang sumulat si De Lima na nais nitong pansamantalang makalaya upang makaboto sa ilang mga panukalang-batas na mapag-uusapan sa Senado.

Kasalukuyang nakakulong si De Lima, isa sa mga pangunahing kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng kaniyang pagkasangkot diumano sa ilegal na droga.

Dumalaw din kay De Lima nitong buwan ang mga miyembro ng minority bloc sa Senado kung saan napag-usapan ang iba't ibang isyu tulad ng pagbuhay sa death penalty at planong pag-apela para mapayagan ang nakapiit na senador na makadalo sa pagdinig dito.

- ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News