PatrolPH

P840,000 halaga ng marijuana kumpiskado sa magtiyahin sa QC

Champ de Lunas, ABS-CBN News

Posted at May 21 2023 11:02 AM

Ebidensiyang nakuha sa magtiyahing naaresto sa anti-illegal drug operation sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City noong Mayo 20, 2023.
Ebidensiyang nakuha sa magtiyahing naaresto sa anti-illegal drug operation sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City noong Mayo 20, 2023.

Arestado nitong Sabado ng gabi ang magtiyahing tulak umano ng iligal na droga sa Quezon City matapos makuhanan ng P840,000 halaga ng marijuana.

Ayon sa pulisya, pasado alas-10 ng gabi nang mahuli ang 2 tulak sa Barangay Pasong Tamo.

Bago madakip, nakatanggap umano ng impormasyon ang Quezon City police na magkakaroon ng bentahan ng marijuana ang 2 lalaki sa lugar kaya agad itong nirespondehan.

Unang natimbog ang isang lalaki na nakuhanan nng 4 na sachet ng marijuana habang nakatakas naman ang isa pang lalaking sinasabing pinsan niya.

Naaktuhan din sa lugar ang tiyahin ng lalaki at nanay ng nakatakas na lalaki na nagre-repack ng marijuana, ayon kay Police Lt. Col. May Genio, station commander ng Quezon City Police Station 14.

"Nahuli itong mga suspek through info, text, at naaktuhan pa sila sa kanilang bahay na nagi-impake ng nasa 7 kilong marijuana," ani Genio.

Ayon kay Genio, 6 na buwan na nilang minamanmanan ang mga suspek.

Nabatid din umanong galing Baguio ang nakumpiskang marijuana.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 habang patuloy na tinutugis ang isa pang nakatakas na suspek.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.