Patay ang 5 hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa magkasunod na engkuwentro sa Negros Occidental nitong Linggo.
Unang nakasagupa ng mga sundalo ng 62nd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army ang tinatayang 14 miyembro ng NPA bandang alas-5:05 ng madaling araw sa Sitio Napiluan, Barangay Quintin Remo sa bayan ng Moises Padilla.
Tumagal nang 10 minuto ang palitan ng putok bago hiwa-hiwalay na tumakas ang armadong grupo.
Dakong alas-5:40 ng madaling araw, nakaengkuwentro naman ng isang platoon ang 6 na hinihinalang rebelde na tumatakas sa may Sitio Oway-Oway sa parehong barangay.
Limang hinihinalang NPA members, kabilang ang isang babae, ang nasawi sa engkuwentro habang wala namang naiulat na sugatan sa hanay ng mga sundalo.
Nakuha sa lugar na engkuwentro ang mga baril, granada, bala, flag ng NPA, at mga personal na gamit at pagkain.
Kinuha ng municipal disaster office ng Moises Padilla ang mga bangkay para mai-turn over sa Philippine National Police.
Wala pang nakakaalam ng pagkakakilanlan ng mga nasawi, ayon sa 62nd IB.
— Ulat ni Angelo Angolo
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regions, regional news, Moises Padilla, Negros Occidental